Pangarap mula sa usok ng Tinapa

Si Sheryl Jamillo mula sa Mabitac, Laguna, sa kanyang bagong gawang tinapa na naka-handa nang ibenta.

Sa barangay ng Nanguma sa Mabitac, Laguna, isang babae ang abala sa pagpepreserba ng mga isda bilang produkto upang kalaunan ay maibenta niya sa kanilang bayan.

Si Sheryl Jamillo, ngayo’y 46 taong gulang, ay dating full-time housewife na nag-aalaga sa kanyang siyam na anak. Para sa kanya, hindi biro ang magpalaki ng anak at mag-asikaso sa buong pamilya. Ngunit mas naging mahirap ito dahil sa kita ng kanyang asawa lamang sila umaasa.

Bilang bunga ng ganitong sitwasyon, naglakas-loob si Sheryl na maghanap ng mapagkakakitaan habang inaalagaan ang kanyang pamilya. Ngunit dahil unang taon lamang ng hayskul ang kaniyang natapos, hindi naging madali para sa kaniya ang makahanap ng trabahong may pagkakataon din na maalagaan ang kaniyang mga anak. Kaya naman sa kaniyang buong kakayahan, sinubukan niyang magnegosyo. Nagsimula siyang bumili ng wholesale na tinapa upang ipagbenta sa kanilang bayan.

Noong 2016, nakilala ni Sheryl ang CARD, Inc. (A Microfinance NGO) matapos maimbitahan ng isang kaibigan at kalaunan ay naging kliyente nito. Sa pamamagitan ng mga serbisyong pampinansiyal na maaari niyang ma-avail bilang kliyente, nabago rin ang pananaw ni Sheryl tungkol sa negosyo.

Sa halip na maging reseller ng mga tinapa, napagdesisyunan ni Sheryll na aralin kung paano ito mismo gawin. Gamit ang kaniyang unang loan sa CARD, Inc., pinasimulan niya ang paggawa ng sarili niyang tinapa. Hinarap niya ang pagod mula sa paghahanap ng magagandang isda at sa paglilinis ng mga ito. Matiyaga niyang inaral ang pagtitimpla at pagpapausok sa mga isda hanggang sa makagawa na siya ng sarili niyang mga tinapa.

Dahil si Sheryll na mismo ang nagtitimpla ng mga tinapang kaniyang ibinebenta, nagkaroon siya ng pagkakataong pasarapin pa lalo ang lasa nito. Sa kaniyang paggawa, nasisiguro niyang perpekto ang pagkakatimpla ng mga tinapa.

Bukod sa pagpapasarap ng lasa, pinagbuti rin ni Sheryl ang hitsura ng mga ito. Sinisiguro niyang ginintuan mula sa pagkakausok ang hitsura ng bawat tinapa at iniingatang hindi ito masira upang magmukha itong kagana-gana. “Kasi kung masarap nga siya, eh kung mukha namang madungis, hindi rin siya kaagad bibilhin,” sabi niya. Para kay Sheryl, kung gaano kasarap ang produkto, dapat ganoon din kaganda ang hitsura nito.

Dahil dito, lalo nang nakilala ng mga kustomer ang kaniyang sariling gawang tinapa at muling bumabalik sa kaniya upang bumili pa ng mas marami.

Sa loob ng halos sampung taon bilang kliyente ng CARD, Inc., nasubukan na ni Sheryl ang iba’t ibang loan services nito. Kabilang dito ang educational loan para sa pag-aaral at enrollment ng kanyang mga anak, lalo na para sa kanyang ikaapat na anak na ngayon ay papasok na sa kolehiyo. Nakapag-avail na rin siya ng housing loan na ginamit niya sa pagpapatayo ng kanilang bahay sa Brgy. Nanguma.

Dumarating din ang mga pagsubok sa kanyang negosyo, lalo na kapag matumal ang benta at tumataas ang presyo ng isda. Ngunit naitatawid ito ni Sheryl sa tulong ng mga business loan niya na naging daan upang makabawi siya sa kanyang paggawa at pagtitinda ng tinapa. Malaki rin ang tulong ng kanyang pag-iipon sa nasabing microfinance na institusyon, pagkat dito niya natitiyak na mayroon siyang mawi-withdraw sa panahon ng kagipitan.

Sa ngayon, patuloy pa rin siyang binibilhan ng tinapa ng kaniyang mga kustomer. Ang iba sa kanilang may tindahan ay kumukuha ng wholesale sa kaniya. Isa naman sa kaniyang mga loyal na kustomer ay bumibili rin sa kaniya nang wholesale upang i-resell ang mga tinapa sa ibang bansa.

Sa lahat ng ito, ang payo ni Sheryll ay simple lamang: “Tiyaga lang. Tapos kapag mahirap ang panahon ng negosyo, e di konting tipid.”

Nais ni Sheryl na patuloy pang palaguin ang kanyang pagtitinapa upang balang araw ay maipamana niya ito sa kanyang mga anak.

Katulad ng usok sa kaniyang tinapa na nangingibabaw pataas, nagsimula lang si Sheryl kumita para sa pamilya. Ngunit higit pa sa pagtatawid sa pang-araw-araw na pangangailangan, lalo pa siyang nagsumikap, pinagtagumpayan ang mga hamon sa negosyo, at natutong mangarap. (Jireh Pearl Casionan, Junior Writer)

 

Scroll to Top