Pagbuo sa Ortograpiyang Menubu Dulangan, Isinagawa ng KWF sa Lungsod Koronadal

Nagsagawa ng Palíhan sa Pagbuo ng Ortograpiya ng wikang Mënubù Dulángan ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 6–8 Agosto 2026 sa Paraiso Verde Hotel, Lungsod Koronadal.

Ang mga gawain ay pinangunahan ng mga mananaliksik ng KWF na sina Dr. Jose Evie  G. Duclay, Rolien Mark M. Balisi, at Christian DS. Nayles; SWK ng University of Southern Mindanao (USM); mga gurong manunulat mula sa DepEd Sultan Kudarat, at mga elder ng komunidad ng Mënubù Dulángan mula sa pitong (7) bayan ng Sultan Kudarat.

Naging katuwang ng KWF sa pananaliksik na ito ang mga kinatawan mula sa Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ng USM para matiyak ang maayos na implementasyon ng mga gawain at mapalakas ang ugnayan ng dalawang institusyon sa mga proyektong pangwika.

Sa unang araw ng palihan, tinalakay ni Dr. Jose Evie G. Duclay ang introduksiyon sa proyekto ng KWF na pagbuo ng ortograpiya, kabilang ang henetikong ugnayan ng mga wika sa Pilipinas. Ipinakilala naman ng mananaliksik na si G. Rolien Mark M. Balisi ang International Phonetic Alphabet (IPA) at ginabayan ang mga kalahok sa pagtuklas ng mga tunog na ginagamit sa wikang Mënubù Dulángan at mga prosesong morpoponemiko.

Sa ikalawang araw, pinangunahan naman ng mananaliksik na si G. Christian DS. Nayles ang pagsulat ng mga kabanata ng ortograpiya, kabilang ang pantig at pagpapantig, pagbaybay na pabigkas at pasulat, at paggamit ng mga tuldik at bantas.

Ang Pagbuo ng Ortograpiya ng mga Wika ng Pilipinas ay isang patuluyang programa ng KWF sa ilalim ng Sangay ng Lingguwistika, Publikasyon, at Promosyon (SLPP) na naglalayong paigtingin ang dokumentasyon, pagpapaunlad, at pagsusulong sa paggamit ng mga katutubong wika sa Pilipinas.

 

 

 

Scroll to Top