Wanted sa rape, nadakip sa Naic
NADAKIP ang isang wanted na may kasong rape sa operasyong ikinasa ng mga awtoridad kamakailan sa Naic, Cavite.
Ang akusadong si alyas Ronald, na isang Regional Most Wanted Person, ay naaresto ng mga warrant officer ng Naic Municipal Police Station dakong alas-4:05 ng hapon nitong Setyembre 1 sa Barangay Ibayo Silangan, Naic.
Inaresto ang akusado batay sa warrant of arrest para sa kasong rape sa ilalim ng Artikulo 266-A, Talata 1 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Artikulo 266-B ng nasabing Kodigo, na sinusugan ng Republic Act No. 11648.
Ang warrant ay inilabas at nilagdaan ni Hon. Ralph S. Arellano, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 132, Naic, Cavite, na may petsang Enero 30, 2024, at walang inirerekomendang piyansa.
