Hydroponics Farming, Isinusulong sa mga Benepisyaryo ng NUPAP sa Bacoor City

Napalakas ang kapasidad ng 26 benepisyaryo ng National Urban and Peri-urban Agriculture Program (NUPAP) sa wastong paggamit, pamamahala, at pagpapanatili ng mga hydroponics system sa isinagawang Training on Hydroponics Farming Technology for Bacoor City NUPAP Beneficiaries noong Agosto 25-27, 2026, sa Bacoor City, Cavite.

Naisakatuparan ang programa sa pangunguna ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, katuwang ang Office of the Agricultural Services ng Bacoor City.

Layunin ng pagsasanay na maipakilala at maisagawa ang hydroponics bilang alternatibong paraan ng pagtatanim upang makatulong sa tuloy-tuloy na produksyon ng sariwa at masustansyang pagkain kahit limitado ang espasyo at lupang sakahan sa lungsod.

Kabilang sa mga kalahok ang mga operator ng urban garden sites sa ilalim ng HAPAG (Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay) Program ng DA, mga kinatawan ng Gulayan sa Paaralan Program ng Department of Education (DepEd), at mga kinatawan mula sa iba’t ibang samahan ng mga magsasaka sa lungsod.

Nagsilbing mga tagapagtalakay sa pagsasanay sina Bb. Delaiza R. Ganan, RAgr, Agricultural Technologist ng Bacoor City; Engr. John M. Mendoza, Training Specialist I ng DA-ATI CALABARZON; mga tekniko mula sa Bureau of Plant Industry (BPI) na sina Bb. Marife L. Laoagan, Engr. Bryan A. Ritual, at Engr. Kar Michael E. Gandeza; at G. Aldwin Declan C. Velazco, isang matagumpay na farmer-entrepreneur mula sa Silang, Cavite.

Sa pagtatapos ng pagsasanay, pinagkalooban ng DA-NUPAP CALABARZON ang mga kalahok ng hydroponic system upang matiyak ang tuloy-tuloy at produktibong urban gardening sa lungsod.

“Malaki po ang naitulong ng clear presentations sa pag-intindi namin para sa nalalapit na establishment, management, at development ng naka-plan na hydroponics system. Because of this, mas naging clear po sa amin kung paano mag-establish ng system na makakapagbigay ng sustainable supply ng fresh at nutritious vegetables sa community,” pahayag ni Bb. Cherry De Guzman, isa sa mga kalahok na benepisyaryo rin ng HAPAG.

Nagbigay naman ng pangwakas na mensahe si Assistant Center Director Bb. Sherylou C. Alfaro, RAgr. Aniya, “Hindi hadlang ang limitadong espasyo para makapag-ambag sa food security. Ang success ng training na ito ay pagpapatunay na may contribution ang urban agriculture sa seguridad sa pagkain.”

Sa pamamagitan ng pagsasanay, patuloy na isinusulong ng DA-ATI CALABARZON ang urban agriculture bilang bahagi ng pagsisikap na mailapit ang produksyon ng pagkain sa mga komunidad, mapalawak ang oportunidad sa kabuhayan, at makatulong sa pagbuo ng produktibo at matatag na pamayanan.

 

Ulat ni: Archie C. Linsasagin

Scroll to Top