Punlang pinalago ng sipag

 Si Teresita D. Dita, 72 taong gulang, sa mga kabuhayang matiyaga nilang pinalago ng kanyang asawa: ang kanilang taniman ng punla ng lansones (kanan) at ang kanilang manukan.

Lumaki si Teresita D. Dita sa Sta. Maria, Laguna. Bagama’t elementarya lamang ang natapos sa pag-aaral, maaga niyang natutuhang tumayo sa sariling mga paa. Maaga siyang naghanapbuhay sa pamamagitan ng pagluluto at paglalako ng mga kakanin sa kanilang bayan kasama ang kanyang ina.

Dahil sa kaniyang paglalako at sariling paggawa, naging pamilyar ang lasa ng kaniyang mga kakanin sa kanilang komunidad, at ang kaniyang kahusayan sa paggawa ng mga ito ay kinilala sa kanilang bayan. Sa katunayan, ang kaniyang sariling gawang suman ay dalawang beses na nagwagi sa Marilag Festival, isang pagdiriwang ng agrikultura at kultura sa Sta. Maria, Laguna.

Subalit nang siya ay nagkaroon na ng sariling pamilya, hindi na naging sapat ang kita ni Teresita sa kaniyang kakanin para sa pagpapalaki ng kanilang anim na anak. Upang mapagkasya ang kita, lakas-loob na pinasimulan niya, kasama ng kaniyang asawa, ang pagmamanukan at pagbebenta ng mga itlog nito. Naging matapang ang mag-asawa na ipinuhunan ang kanilang ipon upang masimulan ang kanilang unang negosyo.

At hindi naging madali ang mga unang araw ng pag-aalaga ng manok at paghihintay sa pangingitlog nito. Kailangan din nilang mamuhunan sa pagpapanatiling ligtas ng mga manok laban sa mga peste at virus na maaaring magdulot ng sakit sa kanila.

Subalit sa kanilang patuloy na pagsisikap, nakapagsusuplay na sila sa kanilang bayan ng mga itlog na nagkakahalaga ng PHP 280 hanggang PHP 290 sa bawat tray nito. Kasabay ng patuloy na pagtitinda ni Teresita ng kakanin, ang negosyong ito ang bumuhay sa kanilang pamilya.

Noong 2016, nakilala ni Teresita ang CARD, Inc. (A Microfinance NGO) at naging kliyente nito. Bilang isang bagong kliyente, kumuha siya ng kanyang unang loan na nagkakahalaga ng PHP 3,000 na siyang sumuporta sa kanilang paitlugan.

Taong 2021 naman, kumuha siya ng PHP 20,000 loan at nagdagdag ng isa pang negosyo: ang pagpapalago ng mga punla. Katulong ang kaniyang asawa. Nag-alaga sila ng mga punla ng lansones at ibinebenta ang mga ito sa halagang PHP 130 hanggang PHP 150 bawat isa.

Subalit tuwing tag-init, nagiging mahirap para sa kanila ang pag-aalaga ng mga ito dahil sa matinding init at mabilis na pagkatuyo ng lupa. Gayunpaman, patuloy nilang binantayan at diniligan nang mabuti ang mga punla. Patuloy nilang pinatubo ang mga ito kung kaya hindi natigil ang kanilang pagsu-supply hanggang sa makarating ang kanilang mga punla sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Laguna at Batanggas.

Tulad ng kanilang mga manok na matiyagang nag-abang sa panahon ng pangingitlog, ang buhay ni Teresita ay unti-unti na ring nagbubunga. Lahat ng kanilang mga anak ay mayroon na ngayong sariling mga pamilya, at siya ngayon ay isa nang lola sa kaniyang walong apo. Kahit na narating na niya ang ganitong yugto ng buhay, patuloy pa rin niyang pinatatakbo ang kanilang negosyo.

Kalaunan ay kumuha muli ng PHP 50,000 na loan si Teresita na kanyang hinati-hati bilang working capital para sa kanyang tatlong negosyo upang matiyak ang patuloy na operasyon at paglago ng mga ito.

Sa ngayon, kumikita sila ng halos PHP 60,000 kada buwan mula sa pagdi-distribute ng mga itlog. Dahil kilala si Teresita sa mga masarap niyang kakanin, tuloy-tuloy ang kanyang paggawa ng mga pre-order nito kung saan siya kumikita ng PHP 2,000 kada batch ng order. Ang kanilang mga punla ng lansones ay kumikita naman ng humigit-kumulang PHP 20,000 buwan-buwan.

Sapat at kontento man ang buhay niya ngayon, ngunit para kay Teresita, ang pag-abot sa ganitong yugto ay bunga ng mahabang panahon na walang patid na sipag, at matiyagang pagpapahalaga at pagpapalago sa kung ano ang mayroon sila. (Jireh Pearl Casionan, Junior Writer)

 

Scroll to Top