4 ‘budul-budol’ nasukol; alahas ng biktima, narekober
APAT na suspek na umano’y sangkot sa insidente ng swindling o budul-budol ang naaresto na nagresulta pa sa pagkakabawi sa alahas ng biktima matapos ang matagumpay na operasyon ng pulisya kamakailan sa Imus City, Cavite.
Kinilala sa mga alyas Benjie, Peter, Jayvee at Rizaldy ang apat na suspek na naaresto sa matagumpay na operasyon ng mga tauhan ng General Trias Component City Police Station na ikinasa sa Imus City dakong alas-10:00 ng umaga nitong Agosto 24.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-7:30 ng umaga nitong Agosto 23 ay pauwi ang biktima matapos dumalo sa misa sa San Gabriel Parish Church.
Nilapitan ang biktima ng isa sa mga suspek at tumawag o nagsalita na “Tita.”
Matapos ang maikling pag-uusap ay nahikayat umano ang biktima na sumakay sa sasakyan ng mga suspek.
Habang nasa loob ng sasakyan, sa pamamagitan umano ng panlilinlang at maling pagpapakilala ay napaniwala ang biktima na ibigay ang kanyang mga personal na gamit, kabilang ang ilang alahas at ₱4,000 cash.
Pagkatapos nito ay ibinaba umano ang biktima sa paligid ng Petron Gasoline Station sa Barangay San Francisco, General Trias City, na hindi namamalayan na siya ay nalinlang at nawalan ng mga mahahalagang gamit.
Agad na nagsagawa ng follow-up investigation ang mga tauhan ng Sector 5 at sinuri ang mga available na CCTV footage sa lugar.
Natukoy mula sa CCTV ang getaway vehicle na isang itim na sasakyan.
Sa tulong ng CCTV monitoring team ng mga barangay sa Imus City at mga tauhan ng Imus Component City Police Station ay natunton ang nasabing sasakyan sa Barangay Buhay na Tubig, Imus City.
Patuloy itong minonitor ng mga operatiba hanggang sa makitang sumakay dito ang apat na lalaki na positibong kinilala ng biktima bilang mga suspek.
Sinundan ang sasakyan hanggang sa Imus Public Market at matagumpay na naaresto ang mga suspek.
Sa isinagawang valid search sa sasakyan ay nakarekober ang mga operatiba ng isang pares ng hikaw at isang singsing, na positibong kinilala ng biktima bilang bahagi ng kanyang mga nawawalang alahas. Nakumpiska rin ang ilang bagay na pinaniniwalaang maaaring ginamit sa modus operandi, kabilang ang dalawang set ng papel na ginupit at hinubog na parang mga perang papel, gayundin ang ilang piraso ng alahas.
