NATATANGING PAGKILALA NG KWF, NAGGAWAD SA BUWAN NG WIKANG PAMBANSA 2026
Ang Buwan ng Wikang Pambansa 2026, ay binigyang-parangal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa limang indibidwal na nagpakita ng natatanging ambag at kahusayan sa kani-kanilang larangan sa pagtataguyod ng wikang Filipino at iba pang wika sa Pilipinas sa pamamagitan ng Natatanging Pagkilala 2026.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon nitong Huwebes (Agosto 27) sa Lucky Chinatown Hotel.
Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Kom. Dr. Benjamin M. Mendillo Jr. na itinakda ng Komisyon ang gabing ito para sa pagbibigay parangal ngayong Buwan ng Wikang Pambansa.
“Ang inyong presensiya ay aming kinikilala sa gabing ito para sa paggawad Gabi ng Parangal sa mga natatanging indibidwal,” wika ni Mendillo.
Kanya ring tinuran ang KWF Gawad Carlos Padilla 2026. “Ang inyong paggamit ng sariling wika ay aming kinikilala at pinasasalamatan,” wika pa nya.
Sa kanyang mensahe, winika ni KWF Tagapangulo Atty. Marites A. Barrio-Taran ang pagkilála sa mga opisyal at mga katuwang at mga kaibigan sa Media ng KWF. “Gagawaran natin ng mataas na pagkilála ang mga indibidwal, institusyon, o samahang may ambag sa pagtataguyod,
Pagpapaunlad, at preserbasyon ng wikang Filipino at mga katutubong wika,” wika ni Barrio-Taran.
“Ang gabing ito ay mahalaga sa aming institusyon,” sabi nya.
Ayon kay Taran, taong 2023 nang simulan nila ang paggawad ng parangal at sa nakalipas na tatlong taon, marami na ang nagtaguyod at nagsabuhay ng wikang pambansa.
Tumanggap ng pagkilala sina Alexandra M. Eala, Clesencio B. Rambaud, Linda R. Andaya, Oscar M. Balajadia Jr., at Phillip Y. Kimpo Jr.
Ginawaran ng Pagkilala sa mga Nagwagi Sanaysay ng Taon 2026 sa Ikatlong Gantimpala si Mark Anthony S. Angeles, Ikalawang Gantimpala si Emerson D. Baldemor, at Mananaysay ng Taon 2026 si Rexon Hora Gaston.
Tumanggap din ng KWF Gawad Carlos Padilla 2026 sa Lokal na Yunit ng Pamahalaan si Nathacia Zierra E. Erese, ang Tagapangulo ng Sangguniang Kabataan ng Brgy. Osmeña ng Solano, Nueva Vizcaya.
Kaniyang pinangunahan ang pagpapatibay ng mga ordinansang nagtataguyod sa mga programa, komunikasyon, at mga dokumento ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Osmeña, gayundin sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.
Na nagbigay ng higit na sigla at saysay sa pagpapayabong ng kamalayang pangwika at pangkultura sa hanay ng kabataan at buong pamayanan.
Ang Gawad Carlos Padilla ay mataas na pagkilála sa mga mambabatas na may natatanging ambag o nagawa túngo sa pagsusulong, pagpapalaganap, pagpapayabong, at preserbasyon ng wikang Filipino.
Ang ginawaran ay nakatanggap ng busto, plake, at medalya.
Sa Kongreso, kinilala si Kongresista Antonio L. Tinio, ng ACT Teachers Party-List.
Sa Senado, kinilala si Senadora Lorna Regina B. Legarda.
Pinagkalooban ng Gawad Dangal ng Wika 2026 sa Kategoryang Indibidwal si Justice Japar Babay Dimaampao.
Sa Kategoryang Institusyon/Samahan, kinilala ang Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas.
Ang KWF ay binubuo ng Tagapangulo Atty. Marites A. Barrio-Taran, Kinatawan ng Wikang Tagalog, Kom. Carmelita C. Abdurahman, Fultaym na Komisyoner para sa Programa at Proyekto at Kinatawan ng Wikang Samar-Leyte, Kom. Benjamin M. Mendillo Jr., Fultaym na Komisyoner para sa Pananalapi at Kinatawan ng Wikang Ilokano, Kom. Alain Russ G. Dimzon, Kinatawan ng Wikang Hiligaynon, Kom. Melchor E. Orpilla, Kinatawan ng Wikang Pangasinan, Kom. Reggie O. Cruz, Kinatawan ng Wikang Kapampangan, Kom. Evelyn C. Oliquino, Kinatawan ng Wikang Bikol, Kom. Ruth M. Tindaan, Kinatawan ng Wikang Pamayanang Kultural ng Hilagang Pilipinas, at Kom. Christian N. Aguado,Kinatawan ng Wikang Pamayanang Kultural ng Katimugang Pilipinas.
