Kontrobandong sigarilyo nabisto sa motorista

ARESTADO ang isang motorista dahil sa hindi pagsunod sa operasyong ‘Oplan Sita’ na isinasagawa ng kapulisan na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga umano’y kontrabandong sigarilyo kamakailan sa Magallanes, Cavite.

Kinilala ang suspek na si alyas JM, 44, at naninirahan sa Nasugbu, Batangas.

Nabatid na dakong alas-7:50 ng umaga nitong Agosto 19 ay  nagsasagawa ng routine inspection ang mga tauhan ng Magallanes Municipal Police Station sa kahabaan ng Maragondon–Magallanes Road at sinenyasan nila ang isang puting utility vehicle van.

Hindi pinansin ng drayber ang hudyat ng mga pulis at nagpatuloy sa pagmamaneho kaya hinabol at hinarang ang sasakyan sa hindi kalayuan.

Isinagawa ang inspeksyon at natagpuan ang ilang kahon ng mga produktong sigarilyo sa loob ng sasakyan.

Hiniling sa suspek na magpakita ng mga kinakailangang dokumento na nagpapahintulot sa pagmamay-ari, transportasyon, o pamamahagi ng mga produkto ngunit nabigong maibigay ang mga kinakailangang dokumento.

Nabawi ng mga awtoridad ang isang Utility Vehicle Van (UVV), modelo ng 2024, at 125 ream ng iba’t ibang uri ng sigarilyo na tinatayang nasa P70,000 ang halaga.

Natagpuan ang lahat ng produktong sigarilyo na walang nakalagay na mga itinakdang Graphic Health Warning na kinakailangan sa ilalim ng Republic Act No. 10643, o ang Graphic Health Warnings Law ng Pilipinas.

 

 

 

Scroll to Top