PhilHealth at NAPC, Pinalalakas ang Partnership para sa Implementasyon ng PhilHealth YAKAP

LUCENA CITY– Mas pinaigting ng PhilHealth Regional Office IVA (PRO IVA) at National Anti-Poverty Commission (NAPC), sa pangunguna nina PRO IVA ARVP Dr. Edwin M. Oriña at NAPC Director Alexis D. Lapiz, Director III, Administration and Finance Management Service, ang pagtutulungan para sa implementasyon ng PhilHealth YAKAP (Yaman ng Kalusugan Program)sa ginanap na coordination meeting sa tanggapan ng PhilHealth sa nasabing lungsod noong Hulyo.

Ang pagpupulong ay bahagi ng mga hakbang na nakasaad sa Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan ng dalawang ahensiya upang mapalawak ang abot ng mga programa at impormasyon ng PhilHealth sa mga marginalized at vulnerable sectors sa pamamagitan ng malawakang stakeholder engagement at capacity building activities.

Isa sa mga pangunahing napagkasunduan sa pulong ang pagsasagawa ng Training of Trainers (TOT) at Capacity Building Activity para sa mga NAPC Council Members na nakatakdang idaos ngayong Agosto 2026 sa Lucena City, Quezon.

Sa nasabing aktibidad, inaasahang mabibigyan ang mga council members ng mas malalim na pag-unawa sa mga programa ng PhilHealth, particular ukol sa PhilHealth YAKAP, upang maging epektibong katuwang sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon at pag-uugnay ng kanilang mga sektor sa mga serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.

Ayon sa mga kinatawan ng PhilHealth at NAPC, ang pagsasanay ay magsisilbing mahalagang hakbang upang matiyak na ang mga impormasyon tungkol sa PhilHealth membership, benepisyo, at iba pang serbisyong pangkalusugan ay makarating sa mga sektor na limitado ang akses.

Ayon sa mga opisyal ng dalawang ahensya, ang nakatakdang TOT at Capacity Building Activity ay magsisilbing mahalagang mekanismo upang mapalawak ang saklaw ng pagpapalaganap ng impormasyon at mapalakas ang partisipasyon ng mga grassroots organization at sectoral councils sa pagsusulong ng Universal Health Care at PhilHealth YAKAP.

Ang pagpapatuloy ng partnership sa ilalim ng MOU ay nagpapatunay sa iisang layunin ng PhilHealth at NAPC na mabigyan ng mas inklusibo, accessible, at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan ang bawat Pilipino, lalo na ang mga kabilang sa mga sektor na higit na nangangailangan ng proteksiyong pangkalusugan. ### (SMOC)

Scroll to Top