Atty. Marites A. Barrios-Taran, Nagsilbing Panauhing Pandangal sa Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag (BTECH)

Nagsilbing Panauhing Pandangal si Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF, sa nangyaring Ika-17 Taunang Pagtatapos ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag (BTECH) noong 28 Hulyo 2026 sa The Chapters, Tangos, Lungsod Baliwag.

Sa kaniyang mensahe sa Batch 2026, nanawagan ang Tagapangulo sa mga nagtapos na panatilihin ang mapanuring pag-iisip at huwag hayaang madaig ng Artificial Intelligence (AI) ang sariling talino, kultura, at moralidad.

“Ang tunay na talino ay hindi ‘yung marunong gumamit ng AI. Ang tunay na talino ay ‘yung marunong mag-isip kahit may AI. Huwag kayong basta maniniwala, i-check niyo, i-compare niyo, at tanungin niyo: Tama ba ito para sa Pilipino? Para sa bayan ko?” pahayag ni Atty. Taran sa mga nagtapos.

Binigyang-diin ng KWF Tagapangulo ang tatlong pangunahing habilin para sa mga nagtapos, ang maging mapanuri  sa pamamagitan ng pag-usisa sa mga impormasyong ibinibigay ng AI kung ito ay kapaki-pakinabang sa bayan, ang maging matatag at may integridad gamit ang batayang moralidad bilang sandata laban sa korupsiyon at automation sa trabaho, at ang maging responsable at makabayan sa pamamagitan ng pagmamahal, paggamit, at pagmamalaki sa Wikang Filipino sa lahat ng pagkakataon bilang salamin ng ating pagkakakilanlan.

Scroll to Top