Mga Sentro ng Wika at Kultura sa buong bansa, magsasagawa ng Tertulyang Pangwika
LUNGSOD MAYNILA — Nagsasagawa ang mga Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa iba’t ibang pampamahalaang unibersidad at kolehiyo (SUCs) ng mga Tertulyang Pangwika bilang pakikibahagi sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto.
Sa pakikipagtulungan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), magsasagawa ang mga SWK ng mga forum, seminar, webinar, lektura, kolokyum, timpalak, at presentasyon ng mga papel-pananaliksik.
Itinatag ng KWF ang mga Sentro ng Wika at Kultura sa mga pampamahalaang kolehiyo at pamantasan upang isulong ang wikang Filipino at mga katutubong wika sa pamamagitan ng pananaliksik, pagsasalin, publikasyon, at iba pang gawaing akademiko. Isa sa kanilang pangunahing taunang programa ang Tertulyang Pangwika, na nagsisilbing pagkakataon para maibahagi ng mga guro, mag-aaral, mananaliksik, tagasalin, at iba pang iskolar ang kanilang mga pag-aaral at pananaw.
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Wikang Filipino at Artificial Intelligence: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.” Kinikilala nito ang lumalawak na paggamit ng artificial intelligence (AI) bilang kasangkapan sa pananaliksik, habang binibigyang-diin ang kritikal, responsable, at etikal na paggamit nito, kabilang ang beripikasyon ng impormasyong nalilikha gamit ang AI, paggalang sa mga karapatan ng mga may-akda at iba pang pinagmumulan ng kaalaman, at pananagutan sa paggamit ng teknolohiya.
Tatalakayin sa mga tertulya ang pananaliksik sa wikang Filipino, dokumentasyon ng mga wikang katutubo, Filipino Sign Language (FSL), pagsasalin, komunikasyon, at edukasyon.
