Cabides at Amante naka gintong medalya sa 10th Aero Gymnastics Asian meet

TOP 3 WINNER PHIL CABIDES AT AMANTE GOLD MEDALIST 2026 AEROBIC GYMNASTICS ASIAN CHAMPIONSHIPS
 
​Mula sa hindi inaasahang pagkakataon, dalawang baguhang tambalang Pilipino ang nakasungkit ng ginto at bronseng medalya sa youth mixed pairs event ng 10th Aerobic Gymnastics Asian Championships na iniharap ng Philippine Sports Commission. ​Parehong nagningning sa nagdaang Palarong Pambansa sa Prosperidad, Agusan del Sur, sina Rhimel Daniel Cabides at Antonette Amante na nagpakita ng sigla at kariktan sa kanilang pagsayaw upang masungkit ang gintong medalya sa iskore na 17.80 puntos sa bagong-ayos na Tagaytay CT Velodrome.
​Ang mga tubong-General Santos na sina Rhys Enoch Balmayor at John Mikaela Ladaran naman ang nagbigay ng ikalawang medalya ng bansa matapos makuha ang ikatlong pwesto (17.150) sa kompetisyong itinaguyod ng Philippine Olympic Committee at Philippine Amusement and Gaming Corp.
​Sinulit ng dalawang tambalan ang kanilang kauna-unahang internasyonal na laban sa kompetisyong inorganisa ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) at binigyang-pahintulot ng Asian Gymnastics Union.
​”Napatunayan namin maari kaming makapasabayan internationally,” wika ni Amante, isang triple Palaro gold medalist, na tulad ni Cabides ay 14 taong gulang at Grade 8 student sa Teodoro Alonzo High School.
​”Maganda na mapakinggan yung national anthem ng Pilipinas,” dagdag pa ng maliit na atleta habang nakangiti ang kanyang kapares at kaklase sa kanyang tabi. ​”Parang panaginip lang ang lahat. Hindi talaga namin ito inaasahan. Pangarap lang ito noon,” sabi ni Ladaran, 11 taong gulang, habang kasama sa podium ang mga atletang mula Maynila.
​”Sobrang proud ako sa dalawang tambalan. Naging mahirap din ang naging paglalakbay at pagsasanay ng mga bata kaya napakasaya ko sa naging resulta,” pahayag ng coach at dating pambansang atleta na si Carlo Joshua Tangonan para sa kanyang mga alaga.
​”Gusto naming pasalamatan ang GAP sa pagkakataong ibinigay nila sa aming mga junior athlete upang maipakita ang kanilang galing laban sa mga mahuhusay na gymnast sa Asya,” dagdag ni Tangonan, na nakasungkit din ng bronseng medalya sa mixed pair event kasama si Charmaine Dolar noong 32nd Cambodia Southeast Asian Games.
​Unang nagtanghal sa anim na finalist, nagmarka agad sina Cabides at Amante sa kanilang kahanga-hangang iskore na 17.80 puntos batay sa pinaghalong marka sa difficulty, execution, at artistry. ​Naging kabado ang tambalan nang sumunod na nagtanghal ang iba pang mga kalaban sa mat nang sunod-sunod.
​Ang pinakamalapit sa kanilang marka ay ang tambalang Vietnamese na sina Ann Thinh Tran at Ngoc Gia Nguyen na nakakuha rin ng 17.80 puntos, ngunit napunta sa pilak na medalya dahil sa marka sa execution 7.450 kumpara sa 7.50 ng tambalang Pilipino. ​
Nang lumabas na sa malaking TV screen ang pangkalahatang resulta na nagpapakitang nakuha ng tambalang Pinoy ang mahalagang gintong medalya, naghihiyawan sa kagalakan ang buong arena habang napaluha sa saya sina Cabides at Amante.
 
 
 
 
 
 
 
Scroll to Top