KOMISYON SA WIKANG FILIPINO AT SAMAHAN NG MGA GURO AT IBA PANG PROPESYONAL SA WIKA, INC., LUMAGDA NG MOU
Pormal na nilagdaan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Samahan ng mga Guro at Iba pang Propesyonal sa Wika, Inc. (SAGIP-WIKA) ang isang Memorandum ng Unawaan noong noong 15 Hulyo 2026 sa Auditorium ng Philippine Information Agency (PIA), Lungsod Quezon.
Naganap ang seremonya matapos ang opisyal na paglulunsad ng “Kapihang Wika tampok ang Semestreng Ulat ng KWF,” na naglalayong patatagin ang pagtutulungan ng pamahalaan at ng mga akademiko sa pagpapayaman ng pambansang wika.
Pinangunahan nina Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF; Dr. Carmelita C. Abdurahman, Fultaym Komisyoner para sa Programa at Proyekto; at Dr. Benjamin M. Mendillo Jr., Fultaym Komisyoner para sa Pangasiwaan at Pananalapi ang paglagda para sa panig ng komisyon.
Samantala, kinatawan naman ni Dr. Radji A. Macatabon, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng University of Southern Mindanao (USM), ang Samahan ng mga Guro at Iba pang Propesyonal sa Wika, Inc.
Ang SAGIP-WIKA ay isang pambansang samahan ng mga guro at iba pang propesyonal sa wika na nagkakaisa sa layuning itaguyod ang wika at pangalagaan ang kultura sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at pakikipagtulungan.
