Pagpapalakas sa Industriya ng Ube sa pamamagitan ng mga Pagsasanay, Suportado ng DA-ATI CALABARZON
Bilang pagsuporta sa pagsusulong ng pamahalaan na mas paunlarin ang industriya ng ube at makatugon sa lumalaking demand, patuloy na pinalalakas ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ang paghahatid ng makabagong kaalaman at teknolohiya sa produksyon at pagpoproseso ng ube.
“Maganda at malaki ang potensyal ng ube. Patok na patok ito bilang sangkap sa iba’t ibang pagkain, at patuloy ang pagtaas ng demand—hindi lamang locally kun’di pati na rin globally. Ito ay isang malinaw na oportunidad para sa ating mga magsasaka, agripreneurs, at iba pang stakeholders sa industriya ng ube,” ani Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON.
Kaugnay nito, 33 Agricultural Extension Workers (AEWs) mula sa iba’t ibang bayan sa rehiyon ang sinanay sa Training on Ube (Purple Yam) Production, Postharvest, Handling, and Processing, na isinagawa noong Hulyo 20-23, 2026, sa Ouan’s Worth Farm and Family Resort Corporation, isang Private Agriculture and Fisheries Extension Service Provider (PAF-ESP) ng ahensya sa Lucena City, Quezon.
Sa pamamagitan ng kanilang re-entry action plan na bahagi ng pagsasanay, magsisilbing daan ang mga AEW upang maibaba ang mga teknolohiya at kasanayan sa mga magsasaka ng ube sa kani-kanilang mga bayan tungo sa mas masaganang produksyon at mas mataas na kita.
Kabilang sa mga pamamaraang kanilang natutuhan at ibabahagi sa mga magsasaka ng ube ang soil testing, land preparation, wastong pagpili ng planting materials, pagpaparami, replanting, pamamahala sa mga sakit at peste, pag-ani, at postharvest handling and storage. Sa tulong ito ng mga tagapagsanay na sina Bb. Kimberly R. Reyes, RAgr (Provincial Agriculture Office – Quezon), Bb. Ma. Almira C. Silva (Mira’s Food and Agriventure, Inc.), at Bb. Sierralyn S. Sandoval, RAgr (DA-Regional Crop Protection Center IV-A).
Bahagi rin ng pagsasanay ang aktuwal na pagpoproseso ng ube at lakbay-aral sa BeeGood Agriventures OPC, isang Learning Site for Agriculture (LSA) ng DA-ATI CALABARZON sa Tiaong, Quezon. Mula rito, natutuhan ng mga AEW ang wastong pagpaparami ng ube, gayundin ang tamang pagpili at paghahanda ng planting materials.
“Ako po ay naipadala dito sa training sa ube dahil sa amin po ay may isang barangay na exclusively ube ang itinatanim. Ang naging practice po doon sa amin ay ang traditional way. Ngunit sa training na ito, nalaman ko na may iba pa palang paraan ng cultural management upang makatipid sa gagamiting planting materials. Natutunan ko rin ang kahalagahan ng postharvest dahil kadalasan, ang naging practice ay pagka-harvest, ilalagay na agad sa sako at diretso benta na. Ito po ‘yung mga ibabahagi at gagawin namin sa aming bayan pagbalik ko,” pahayag ni Andrian Paul William Luna, AEW mula sa Talisay, Batangas.
Bilang suporta sa propesyonalisasyon at pagpapatibay ng mga kaalaman at kasanayang pang-agrikultor, nakatanggap ang mga kalahok na rehistradong agrikultor ng 7.5 Continuing Professional Development (CPD) credit units mula sa pagsasanay.
Bukod dito, nauna na ring nagsagawa ang DA-ATI CALABARZON ng malawakang webinar sa produksyon at pamamahala ng ube sa pamamagitan ng regular na programa nitong Agricultural Technologies thru Internet at Home (ATI@Home) para sa Best Purple Harvest: Ube Production and Management noong Abril 30, 2026. Nakibahagi sa webinar ang 848 na kalahok mula sa iba’t ibang sulok ng bansa, kung saan 700 rehistradong agrikultor ang nakatanggap ng 1.00 CPD credit unit.
Aktibo rin ang DA-ATI CALABARZON sa pamamahagi ng information, education, and communication (IEC) materials tungkol sa ube sa mga pagsasanay at Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Centers at FITS Kiosks sa iba’t ibang bayan sa rehiyon upang mas gawing aksesible ang mga kaalaman at teknolohiya sa produksyon at pamamahala ng ube. Nakaplano na rin para sa susunod na taon ang iba pang mga pagsasanay na may kaugnayan sa industriya ng ube bilang patuloy na pakikiisa ng ahensya sa hangaring mapaunlad pa ang industriya.
“Patuloy nating pagtulungan ang pagpapalakas ng industriya ng ube sa pamamagitan ng inobasyon, pakikipagtulungan, pagbabahagi ng kaalaman, pagpapanday ng kasanayan. Sa ganitong paraan, makapag-aambag tayo sa pag-unlad ng kabuhayan ng ating mga magsasaka at sa paglago ng sektor ng agrikultura,” ani Dr. Maningas.
Ulat ni: Archie C. Linsasagin
