Balidasyon ng mga Wika at Diyalektong Kalinga, Matagumpay na Isinagawa ng mga Mananaliksik ng KWF

Walong ulat at datos ng mga kilalang wika/diyalektong Kalinga ang matagumpay na nabalida ng mga mananaliksik ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 23–26 Hunyo 2026.

Naging mahalagang katuwang ng KWF ang mga Community Service Center (CSC) ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa lalawigan ng Kalinga. Sa pangunguna ni Engr. Bernardo Canao, sinuportahan ng NCIP-CSC Tinglayan ang balidasyon sa ulat ng mga wika sa komunidad ng Finangad at Lilubuagen na isinagawa ng mga mananaliksik na sina G. Jose Evie Duclay at Bb. Dannielle T. Laggui noong 23 at 26 Hunyo 2026.

Kasabay nito, nagsagawa rin ng balidasyon ang mga mananaliksik na sina G. Rolien Mark Balisi at G. Christian DS. Nayles para sa ulat ng mga wika ng komunidad ng Whinutwut/Butbut at Sinumacher sa parehong mga petsa.

Samantala, noong 24-25 Hunyo 2026, nagsilbing pangunahing katuwang ng mga mananaliksik ng KWF ang NCIP-CSC Balbalan sa pamumuno ni Bb. Vilma Guyang Dumbab at ang NCIP-CSC Tanudan sa pangunguna ni CDO III at Acting Provincial Officer Anneleis Marie Mabazza sa balidasyon ng mga ulat sa Minabaca, Minajukayong, Linilimos, at Guininaang.

Nagpakita rin ng matibay na suporta ang Pamahalaang Bayan ng Pasil sa isinagawang balidasyon sa komunidad ng Guininaang. Sa pangunguna ni Alkalde Atty. Silvestre Mosing, buong-pusong tinanggap ng lokal na pamahalaan ang mga mananaliksik ng KWF at mga kawani ng NCIP.

Sa isinagawang courtesy call sa tanggapan ng alkalde, ipinahayag niya ang kahandaan ng pamahalaang bayan na makiisa at maging katuwang ng KWF sa mga susunod pang pananaliksik, dokumentasyon, at iba pang programang naglalayong mapangalagaan, mapaunlad, at mapayabong ang mga wika ng kanilang pamayanan.

Lubos din ang naging pakikiisa ng walong komunidad ng Kalinga na aktibong nakilahok sa balidasyon ng mga impormasyong nakapaloob sa kani-kanilang language profile, kabilang ang estado at deskripsiyon ng kanilang wika. Bukod dito, matiyaga rin nilang sinuri at iwinasto ang mga baybay at bigkas ng mga salitang nakapaloob sa kanilang mga talasalitaan (wordlist) na nakalap ng mga mananaliksik ng KWF noong 2025.

Sa pamamagitan ng kanilang aktibong pakikilahok, naging matagumpay ang balidasyon, pagsasapanahon, at pagwawasto ng mga datos na magsisilbing mahalagang batayan sa patuloy na dokumentasyon at pagpapaunlad ng mga wika ng Pilipinas.

Ang proyektong Balidasyon ng mga Wika ay isang patuluyang inisyatiba ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na naglalayong masaliksik at mabalida ang iba’t ibang datos hinggil sa mga wika sa bansa bilang bahagi ng pagsasapanahon ng mga impormasyong pangwika ng ahensiya.

Scroll to Top