Kelot ‘dinampot sa iligal na boga at mga bala
BUMAGSAK sa kamay ng mga awtoridad ang isang lalaki dahil sa iligal na pagbebenta ng baril matapos ang matagumpay na operasyon kamakailan sa Noveleta, Cavite.
Ang suspek ay nakilalang si alyas John, 34, at residente ng Bagong Pook, San Antonio, Cavite City.
Isinagawa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit at Intelligence Section ng Noveleta Municipal Police Station dakong alas-3:10 ng hapon sa Barangay San Rafael IV, ng nasabing bayan nitong Hulyo 22.
Nabatid na nahuli ang suspek sa aktong nagbebenta ng isang hindi lisensyadong baril sa isang pulis na nagsilbing poseur-buyer, kapalit ng halagang ₱1,000.00.
Nakumpiska sa pag-iingat ng suspek ang isang Colt revolver na walang serial number, anim na piraso ng caliber .22 live ammunition, isang piraso ng holster ng baril, dalawang piraso ng tig-₱500.00 na ginamit bilang buy-bust money, at dalawang piraso ng tig-₱100.00 na nakumpiskang pera mula sa suspek.
