BotiCARD, nagdiwang ng ika-15 taong paghahatid ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa komunidad
Ipinagdiwang ng BotiCARD ang kanilang ika-15 anibersaryo sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan tulad ng konsultasyong medikal, blood pressure monitoring, bunot ng ngipin, at pamamahagi ng libreng bitamina.
Nagdiwang ang BotiCARD, isang parmasya sa ilalim ng CARD Mutually Reinforcing Institutions (CARD MRI), ng kanilang ika-15 anibersaryo noong Mayo 20, 2026 sa Paulino Branch nito sa San Pablo City, Laguna. Isinagawa ang selebrasyon sa pamamagitan ng paghahatid ng mga libreng serbisyong pangkalusugan tulad ng konsultasyon sa doktor, bunot ng ngipin, at pagmo-monitor ng blood pressure.
Bukas ang mga serbisyong ito para sa mga kliyente ng mga financial institution ng CARD MRI, kanilang mga anak, pati na rin sa mga residente ng komunidad. Namahagi rin ang BotiCARD ng libreng bitamina tulad ng B-complex, multivitamins, ascorbic acid, non-acidic supplements, at vitamin C para sa mga bata. Patuloy ding nakatatanggap ng 20 hanggang 28 porsiyentong discount sa pagbili ng mga gamot sa mga sangay ng BotiCARD ang mga kliyente ng CARD MRI.
Bahagi ang mga libreng serbisyong ito sa layunin ng BotiCARD na maghatid ng abot-kaya at de-kalidad na gamot sa mga komunidad. Ayon kay BotiCARD CEO Florife T. Reynido, pinili nilang ipagdiwang ang anibersaryo sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad upang mahikayat ang komunidad na pangalagaan ang kanilang kalusugan. “Para kapag senior citizen na tayo, malalakas at masisigla pa rin tayo,” saad niya sa mga kliyente ng CARD at residente ng komunidad na dumalo sa programa.
Sa loob ng 15 taon, ang BotiCARD ay lumawig sa 27 sangay sa iba’t ibang lalawigan sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Patuloy rin itong nagsasagawa ng mga programa upang mas mapalapit ang mga gamot at serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad, kabilang rito ang over-the-counter (OTC) medicine counseling kung saan binibigyang gabay ng mga pharmacist ang mga mamimili sa tamang paggamit ng gamot.
Nagpatupad din ang BotiCARD ng mga programang tulad ng BotiCARD Health Plus (BH Plus), na nagsusuplay ng bitamina, maintenance medicine packages, at emergency medicines para sa mga kliyente ng CARD bilang bahagi ng kanilang insurance. Mayroon din itong Buy Now, Pay Later (BNPL) na sistema para sa pagbili ng gamot at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga empleyado ng CARD MRI.
Nagpasalamat naman si BotiCARD Chairman Rosenda P. Aquino sa patuloy na suporta sa BotiCARD sa loob ng 15 taon. Aniya, mananatili silang nakatuon sa paghahatid ng abot-kaya at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan at patuloy na maghahanap ng mga bagong paraan upang matugunan ang mga makabagong pangangailangan sa kalusugan ng mga komunidad.
Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang libreng gupit, free taste ng herbal coffee, at mga raffle promo. Dumalo rin sa programa sina CARD MRI senior advisers Grace Contreras at Dr. Lorenza dT. Bañez, kasama ang mga empleyado ng BotiCARD at mga kliyente ng CARD. (Jireh Pearl Casionan, Junior Writer)
