TAGAPANGULO NG KWF, HINIKAYAT ANG MGA NAGTAPOS SA KAHALAGAHAN NG INTEGRIDAD NG TAO SA GITNA NG MAKABAGONG TEKNOLOHIYA
Sa Ika-29 na Pagtatapos ng St. Bernadette College of Alabang noong 27 Hunyo 2026 sa The Bellevue Manila, Lungsod Muntinlupa, binigyang-diin ng panauhing tagapagsalita na si Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF, ang kahalagahan ng integridad ng tao sa gitna ng makabagong teknolohiya.
Kinilala rin sa seremonya ang kaniyang mga ambag sa sining at kultura sa pamamagitan ng paggawad sa kaniya ng Gawad Gertrudes Vivo-Carlos. Iginawad ang parangal bilang pagkilala bilang pagkilala sa kaniyang natatanging ambag sa pagbuo ng mga patakarang pangwika, pagpapalakas ng mga ugnayang pang-akademya at pangkultura, at pagsusulong ng ingklusibo at makabayang paggamit ng Filipino at mga wikang katutubo tungo sa pambansang kaunlaran.
Iniwan niya ang isang mahalagang paalala sa mga nagtapos:
“Nabubuhay tayo sa panahon kung saan abot-kamay ang lahat ng sagot. Kayang mag-isip, mag-analisa, at magluwal ng idea ang AI sa loob ng ilang segundo. Ngunit tandaan ninyo: ang AI ay nagbibigay lamang ng impormasyon, hindi ng prinsipyo. May kakayahan itong magproseso ng datos ngunit wala itong konsensiya, walang karanasan, at walang kakayahang magmalasakit. Huwag ninyong hayaang maging makina ang inyong pagpapasiya. Gamitin ninyo ang teknolohiya bilang kasangkapan ngunit manatiling makatao sa inyong pakikipagkapuwa dahil ang tunay na integridad at husay ay hindi nagmumula sa isang algoritmo kundi sa inyong sariling pagpapakatao.”
Bukod dito, ipinaalala rin niya na ang toga ay simbolo ng kanilang determinasyon, at hinamon niya ang mga mag-aaral na maging mabuti sa lahat ng pagkakataon habang pinahahalagahan ang pamilyang naging kaagapay nila.
May kabuoang 135 mag-aaral ang nagtapos sa iba’t ibang kurso, kabilang ang Caregiving NC II, Guro, Sikolohiya, Business Administration at Entrepreneurship, Information Technology, Hospitality Management, Midwifery, at TVET Caregiving.
