20 Bagong Meat Inspectors sa CALABARZON, Titiyakin ang Kalidad at Kaligtasan ng Karne

Ganap nang mga bagong frontliner sa pagtiyak ng kalidad at kaligtasan ng karne sa CALABARZON ang 20 meat inspectors mula sa iba’t ibang bayan sa rehiyon.

Matagumpay na nagtapos ang mga kalahok, na kilala rin bilang Batch MASID (Meat Assessment Safety Inspection and Detection), sa 31st Basic Meat Inspection Course (BMIC) na isinagawa mula Mayo 25 hanggang Hunyo 19, 2026.

Bunga ang inisyatibang ito ng kolaborasyon sa pagitan ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON at National Meat Inspection Service – Regional Technical Operations Center (NMIS-RTOC) IV-A.

Sa loob ng apat na linggong pagsasanay, sumailalim ang mga kalahok sa serye ng mga lecture, laboratory exercises, field practicum, moving examinations, at iba pang hands-on learning activities upang higit pang mapalawak ang kanilang kaalaman at mapahusay ang teknikal na kasanayan sa meat inspection.

“Ang BMIC ay naging mahalagang karanasan dahil nadagdagan ang aming kaalaman sa tamang pag-iinspeksyon ng karne upang masiguro ang kaligtasan at kalidad nito para sa mga mamimili. Natutunan namin ang kahalagahan ng pagsunod sa mga pamantayan sa kalinisan, wastong paghawak ng karne, at pagkilala sa mga palatandaan ng sakit o kontaminasyon sa mga hayop,” pahayag ni Jose Antonio Moises ng Real, Quezon, na kinilalang Top 1 ng nasabing pagsasanay.

Sa pagtatapos ng programa, binigyang-diin ni Dr. Eduardo R. Oblena, Director II ng NMIS-RTOC IV-A, ang mahalagang papel ng mga meat inspector sa pagpapanatili ng food safety. Hinikayat din niya ang mga nagsipagtapos na gampanan ang kanilang tungkulin nang may integridad, katapatan, at propesyonalismo.

Ipinaabot din ni Dr. Fernando Lontoc, OIC-Executive Director ng NMIS, ang buong suporta ng ahensya at hinamon ang mga bagong meat inspector na maglingkod nang may dedikasyon upang matiyak ang kalidad at kaligtasan ng pagkain para sa publiko.

Samantala, pinangunahan ni Bb. Sherylou C. Alfaro, RAgr, Assistant Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang paggawad ng mga sertipiko sa mga nagsipagtapos. Nagbahagi rin siya ng mensahe ng pagbati at paghikayat sa mga bagong meat inspector. Sa kanyang video message, hinikayat naman ni Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang mga kalahok na patuloy na isabuhay ang kanilang mga natutuhan upang higit pang mapalakas ang pagpapatupad ng mga pamantayan sa meat inspection at food safety sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Ulat ni: Archie C. Linsasagin

Scroll to Top