Ortograpiyan chi Kenachakran ay Kali, Inilunsad sa Barlig, Mountain Province
Nagbukas ng isang bagong yugto para sa pangangalaga ng katutubong kultura ang pormal na paglulunsad ng Ortograpiyan chi Kenachakrán ay Kali o ang Opisyal na Ortograpiya ng Wikang Kenachakrán. Ginanap ito noong 9 Hunyo 2026 sa Mababang Paaralan ng Kadaclan sa Barlig, Mountain Province, sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Sa kaniyang talumpati, nag-iwan ng mariing mensahe si Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF, na walang wikang maituturing na imperyor sa bansa. Ipinaliwanag niya na ang presensiya ng Komisyon sa naturang pamayanan ay patunay na pantay-pantay ang lahat ng wika at may kani-kaniyang halaga.
Kasabay nito, nag-iwan din siya ng pormal na hamon sa mga mamamayan ng Barlig na huwag hayaang mamatay ang kanilang wika. Hinimok niya ang pamayanan na gamitin ang ortograpiya sa araw-araw na pakikipagtalastasan, gayundin sa pagsulat ng mga tula, kuwento, at sanaysay sapagkat mawawalan ito ng saysay kung hindi patuloy na pahahalagahan at ipapamana sa susunod na mga salinlahi.
Ang Pagbuo ng Ortograpiya ng mga Wika ng Pilipinas ay isang patuluyang programa ng KWF sa ilalim ng Sangay ng Lingguwistika, Publikasyon, at Promosyon (SLPP) na naglalayong paigtingin ang dokumentasyon, pagpapaunlad, at pagsusulong sa paggamit ng mga katutubong wika sa Pilipinas.
Ang nabuong ortograpiya ay magsisilbing mahalagang sanggunian ng komunidad at magiging epektibong midyum ng pagtuturo sa mga paaralan, higit na sa konteksto ng edukasyong multilingguwal.
