Pagpapapataas ng Kita sa Pagpipinya, Layon ng Pagsasanay ng DA-ATI CALABARZON
Mas naging handa ang mga kalahok na tuklasin ang iba’t ibang oportunidad sa industriya ng pinya matapos matagumpay na makumpleto ng 30 kalahok ang Training on Pineapple Production, Postharvest Handling, and Processing na isinagawa mula Hunyo 1 hanggang 4, 2026.
Sa pamamagitan ng pagsasanay, nabigyan sila ng mahahalagang kaalaman at kasanayan sa produksyon, wastong postharvest handling, at pagpoproseso ng pinya upang mapahusay ang kalidad ng kanilang mga produkto, mabawasan ang pagkalugi, at makalikha ng mga produktong may mas mataas na halaga.
“Ang mga kaalamang naibahagi sa akin at sa aking mga kasama ay sobrang laking tulong. Dahil ang bawat kaalaman na aking napulot sa pagsasanay na ito ay maipapaabot ko pa sa ating kapwa mga magsasaka para mas mapaunlad ang produksyon at mas mapayabong pa ang pagproseso sa mga pinya, lalo na at ang aming bayan ay talagang nakapag-umpisa na sa paggawa ng mga produkto na gawa sa pinya,” ani Ronald Pujeda, kalahok na agricultural extension worker (AEW) mula sa Panukulan, Quezon.
Dumalo sa programa ng pagtatapos si Dr. Rolando Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, kung saan hinikayat niya ang mga kalahok na gamitin at ibahagi ang kanilang mga natutunan upang makatulong sa pagpapalawak ng mga oportunidad sa kabuhayan at pagpapaunlad ng industriya ng pinya sa kanilang mga komunidad.
Bilang pagkilala sa kanilang propesyonal na pag-unlad, ang mga rehistradong agrikultor na lumahok sa pagsasanay ay nakatanggap din ng siyam (9) na Continuing Professional Development (CPD) credit units. (Ulat ni: Archie Linsasagin)
