5 Grandmaster espesyal na panauhin sa Gov. Oaminal Chess Festival
5 GRANDMASTER SA GOV. OAMINAL CHESS FESTIVAL
Ang lahat ng mahilig sa ahedres ay magtutungo sa Lungsod ng Ozamiz, Misamis Occidental para sa gaganapin at pinakahihintay na ika-6 na Gov. Henry S. Oaminal Chess Festival.
Ang paligsahang ito na itinuturing na pinakamalaki at pinakaprestihiyosong kumpetisyon sa ahedres sa Mindanao ngayong taon ay magaganap ngayong Hulyo 11 hanggang 12 sa Gymnasyo ng Lungsod ng Ozamiz.
Ang kauna-unahang Grandmaster mula sa Asya na si Eugene Torre ay magbibigay ng pampasiglang talumpati. Kasama rin sa seremonya ng pagbubukas sina Misamis Occidental Gov. Henry S. Oaminal Sr., Cong. Henry “Indy” Oaminal Jr., Cong. Sancho Fernando “Ando” Oaminal, at Ozamis Mayor Sam Norman Fuentes.
Kasama rin nila si AGM Rey Urbiztondo, National Chess Federation of the Philippines (NCFP) board of director at pangulo ng Asenso Misamis Occidental Chess Association (AMOFCA); si GM Jayson Gonzales, NCFP CEO/Executive Director; pati na sina GM Rogelio “Joey” Antonio Jr., GM Daniel Quizon, at WGM Janelle Mae Frayna.
Ang gawaing ito na tinaguriang “Asenso Ozamis” ay kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Pagkakatatag ng Lungsod ng Ozamiz.
Dito magpapakita ng galing ang mga nangunguna at mga naghahangad na manlalaro sa indibidwal na kategorya (Bukas na Kategorya, Mataas na Paaralan, at Mababang Paaralan), pati na rin sa paligsahang pangkoponan na tinatawag na tatluhan.
May kabuuang premyong nagkakahalaga ng ₱500,000 na nakalaan sa apat na magkakaibang dibisyon.
“Ito ang pinakamalaking paligsahan sa Mindanao ngayong taon na may premyong ₱500,000. Nagpapatuloy ang magandang adhikain sa ika-6 na Gobernador Henry S. Oaminal Chess Festival, Asenso Ozamiz Charter Open Chess, at kauna-unahang Tatluhan Chess Team Tournament sa Hulyo 11–12, 2026 sa City Gymnasium, Ozamiz City, Misamis Occidental.
Ito ay isang paligsahang kinikilala ng FIDE,” pahayag ni Inhenyero Urbiztondo. Bukod dito magsisimula ang programa ng pagbubukas sa pamamagitan ng sabayang paglalaro laban sa iba’t ibang manlalaro:
Pangungunahan ng panauhin na si Grandmaster Eugene Torre ang kumpetisyon laban sa mga opisyal ng Lungsod ng Ozamiz, magiging abala din si Grandmaster Gonzales laban naman sa mga opisyal ng pamahalaan ng Misamis Occidental.
Habang haharapin naman ni Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio ang mga mag-aaral mula sa sekundarya na hindi taga-Misamis Occidental
Magkatuwang naman sina Grandmaster Daniel Quizon at Women Grandmaster para sa mga nangungunang mag-aaral ng hayskul at elementarya sa Misamis Occidental (Marlon Bernardino)
