Tagapangulong Atty. Marites A. Barrios-Taran, Kinilala sa Ikalawang Gawad Pamana ng Pluma
Muling napatunayan ang masigasig na serbisyo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) matapos gawaran ang Tagapangulo nito na si Atty. Marites A. Barrios-Taran ng prestihiyosong parangal na “Sulo ng Pagtataguyod ng Wika.”
Ang parangal ay Ipinagkaloob ng Kapisanan ng mga Filipino Awtor at Manunulat sa Pilipinas (KAFAMPI) noong 31 Mayo 2026 sa Hotel Supreme Convention Plaza, Lungsod Baguio, bilang pagkilala sa patuloy na pag-unlad ng mga programa ng komisyon para sa pambansang wika.
Sa kaniyang opisyal na mensahe, ipinahayag ni Atty. Barrios-Taran na ang parangal ay hindi lámang para sa kaniya, kundi isang malaking pagkilala sa kolektibong lakas at dedikasyon ng buong KWF.
Dahil sa pagkakaisa ng buong komisyon, patuloy na naitataguyod ng KWF ang mga pangunahing gawain nito, tulad ng pagpapalathala ng mga de-kalidad na aklat at babasahin, pagsasagawa ng mga seminar at pagsasanay sa wika, at pangangalap ng mga datos sa malalayong pamayanan sa bansa.
Ang “Sulo sa Pagtataguyod ng Wika” ay ang pinakamataas na gawad sa Gawad Pamana ng Pluma ng KAFAMPI na ipinagkakaloob sa mga indibidwal na nagpakita ng bukod-tanging pamumuno, masigasig na paglilingkod, at makabuluhang ambag sa pagsusulong at pagpapalaganap ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa bansa.
Iginagawad ang parangal na ito sa mga lider at tagapagtaguyod ng wika na naging huwaran sa pagpapaunlad ng mga programang pangwika, pagpapatibay ng mga institusyong naglilingkod sa wika at kultura, at pagpapalawak ng mga inisyatibang naglalayong mapanatili, mapagyaman, at maitaguyod ang pambansang identidad sa pamamagitan ng wika.
Kinikilala rin ng parangal na ito ang mahalagang gampanin ng administratibong pamumuno at pampublikong paglilingkod sa paghubog ng mga polisiyang pangwika, pagpapalakas sa ugnayan ng mga institusyong akademiko at pangkultura, at pagsusulong ng ingklusibo at makabayang paggamit ng Filipino at mga katutubong wika tungo sa pambansang kaunlaran.
