Dalawang opisyal ng CARD MRI, ginawaran bilang Namumukod Tanging San Pableños 2026

Pinarangalan si Dr. Edzel A. Ramos (kaliwa), Presidente ng CARD-MRI Development Institute (CMDI) Inc., bilang Outstanding San Pableño for Transformative Education, habang kinilala naman si Frederick Nicasio M. Torres (kanan), Chairperson ng iba’t ibang enterprise development institutions ng CARD MRI, bilang Outstanding San Pableño for Social Entrepreneurship. Ang pagkilalang ito ay patunay ng kanilang patuloy na kontribusyon sa pagpapaunlad ng edukasyon at kabuhayan sa mga komunidad.

Kinilala sina Dr. Edzel A. Ramos at Ginoong Frederick Nicasio M. Torres, kapwa opisyal ng CARD Mutually Reinforcing Institutions (CARD MRI), bilang mga “Namumukod Tanging San Pableños 2026” sa ginanap na Gawad ng Namumukod Tanging San Pableño noong Mayo 7 sa San Pablo City Convention Center.

Iginawad ng lokal na pamahalaan ng San Pablo ang pagkilala sa dalawang opisyal dahil sa kanilang pamumuno at ambag sa pagpapaunlad ng komunidad sa pamamagitan ng mga institusyong kanilang pinaglilingkuran. Layunin ng parangal na kilalanin ang mga indibidwal na nagbigay ng mahalagang kontribusyon sa pag-unlad ng lungsod at nagsisilbing huwaran sa kani-kanilang larangan.

Makabagong edukasyon

Ginawaran si Dr. Ramos bilang Namumukod Tanging San Pableño para sa Transformative Education. Ang naturang kategorya ay para sa mga indibidwal na nagsusulong ng dekalidad at abot-kayang edukasyon sa pamamagitan ng mga makabuluhang programa, proyekto, at pakikipagtulungan.

Si Dr. Ramos ay kasalukuyang Presidente ng CARD-MRI Development Institute Inc. (CMDI), ang learning at training institute ng CARD MRI na nag-aalok ng tertiary education, senior high school, at iba’t ibang capacity-building program. Isa siya sa mga pangunahing personalidad na tumulong sa paglago ng CMDI mula sa isang training unit noong taong 2000 hanggang sa maging ganap na institusyong pang-edukasyon.

Nagsimula si Dr. Ramos sa CARD MRI noong 1996 bilang Technical Officer ng CARD, Inc. (a microfinance NGO). Sa kaniyang mga unang taon sa organisasyon, naging malapit siya sa mga komunidad at personal niyang nakita ang mga hamon na kinahaharap ng mga pamilyang kulang sa oportunidad. Dahil dito, mas tumibay ang kaniyang paniniwala sa kahalagahan ng edukasyon at people development.

Habang lumalawak ang mga training initiative ng CARD MRI, lumipat siya sa mga tungkuling may kaugnayan sa training at development. Noong maging pormal na training institution ang CMDI noong 2005, nagsilbi siyang Training Director at tumulong sa pagpapatupad ng mga programang nagturo ng financial education sa mahigit 300 empleyado para maibahagi rin ito sa mga estudyante at miyembro ng komunidad.

Sa mga sumunod na taon, lalo pang pinalawak ng CMDI ang mga programang nakatuon sa edukasyon ng komunidad. Noong 2013, inilunsad nito ang kursong Microfinance Technology NC II sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at kalaunan ay naging accredited assessment center para rito. Noong 2015 naman, nabigyan ito ng pahintulot ng Commission on Higher Education (CHED) upang mag-operate bilang tertiary education institution. Nitong 2024, naging presidente si Dr. Ramos ng paaralan at pinangunahan ang pagbubukas ng senior high school program.

Sa kasalukuyan, may apat nang campus ang CMDI sa San Pablo City at Bay, Laguna; Tagum City, Davao del Norte; at Buenavista, Agusan del Norte. Nakatuon ang mga programa nito sa pagbibigay ng praktikal at values-driven education para sa mga mag-aaral mula sa iba’t ibang komunidad.

“Naniniwala kami na ang edukasyon ay mahalagang kasangkapan sa paghubog ng kinabukasan ng kabataan. Malaking karangalan para sa akin na maging bahagi ng paglalakbay ng CMDI,” ani Dr. Ramos. Dagdag pa niya, magsisilbing inspirasyon ang pagkilalang ito upang maabot pa ng institusyon ang mas maraming estudyante, empleyado, at komunidad na limitado ang access sa dekalidad na edukasyon.

Pagpapalawak ng oportunidad sa kabuhayan

Samantala, kinilala naman si Ginoong Torres bilang Namumukod Tanging San Pableño para sa Social Entrepreneurship. Iginagawad ang parangal na ito sa mga indibidwal na nagtataguyod ng mga negosyo at programang lumilikha ng kabuhayan at oportunidad para sa komunidad.

Si Torres ay kasalukuyang Chairman ng Mga Likha Ni Inay, CARD-Business Development Services Foundation Inc. (CARD-BDSFI), at CARD Leasing and Finance Corporation (CARD LFC). Siya rin ang Executive Vice President ng CARD Indogrosir at Ottokonek.

Nagsimula siya bilang management trainee sa mga financial institution ng CARD MRI, kabilang ang CARD, Inc. at CARD SME Bank. Sa paglipas ng panahon, humawak siya ng iba’t ibang posisyon sa operasyon at pamamahala, bagay na nagbigay sa kaniya ng mas malalim na pag-unawa sa kalagayan ng mga nasa laylayan ng lipunan at sa pangangailangan ng mga ito sa oportunidad para sa negosyo at kabuhayan.

Noong 2013, tumulong si Torres sa pagtatatag ng CARD LFC upang mapalawak ang support services para sa mga kliyente sa pamamagitan ng leasing, business assistance, at housing finance program.

Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, tinulungan ng CARD-BDSFI ang mga microentrepreneur na makapasok sa mas malawak na merkado sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga lokal na produkto. Mula rito ay nabuo ang Mga Likha ni Inay, isang social enterprise na ginagawang mas marketable ang mga produktong gawa ng mga rural microentrepreneur.

Patuloy ding pinalalakas ng CARD Indogrosir at Ottokonek ang maliliit na negosyo sa komunidad sa pamamagitan ng wholesale at retail ng grocery products sa presyo ng distributor. Nakatutulong din ang mga ito sa mga may-ari ng mobile store, carts, at sari-sari store sa iba’t ibang lugar.

Ayon kay Torres, ang pagkilalang natanggap niya ay para sa mga “Nanay” na patuloy na inaangat ng misyon ng CARD MRI. “Mas nagiging makahulugan ang entrepreneurship kapag nagbibigay ito ng oportunidad at pag-asa sa komunidad. Kapag natutulungan nating umunlad ang mga microenterprise, napatutunayan nating maaaring maging sustainable ang negosyo,” pahayag niya.

Sa likod ng kanilang ambag

Sa likod ng pagkilala kina Dr. Ramos at Ginoong Torres ay ang iisang layunin ng CARD MRI na makatulong sa pag-angat ng kalagayan ng mga komunidad na kulang sa oportunidad at mabawasan ang kahirapan sa lipunan.

Sa pamamagitan ng edukasyon, enterprise development, at mga programang nakatuon sa komunidad, patuloy na pinalalawak ng CARD MRI ang mga serbisyong nagbibigay ng oportunidad sa mga estudyante, microentrepreneur, at pamilyang nangangailangan ng suporta.

Ipinakita rin ng pagkilalang natanggap ng dalawang opisyal ang naging epekto ng kanilang mga programa sa larangan ng edukasyon at social entrepreneurship, gayundin ang kanilang patuloy na malasakit sa pagbuo ng mas inklusibo at mas matatag na mga komunidad.

Dumalo rin sa programa sina CARD MRI Founder and Chairman Emeritus Dr. Jaime Aristotle B. Alip, CARD MRI Managing Director Aristeo A. Dequito, at mga CARD MRI Senior Adviser na sina Aniceta Alip, Dr. Lorenza dT. Bañez, at Dr. Dolores Torres bilang suporta sa mga ginawaran. (Jireh Pearl Casionan, Junior Writer)

 

Scroll to Top