Inflation sa CALABARZON, lumobo sa 7.5 percent nitong buwan ng Abril 2026

CITY OF LIPA, Batangas – Umakyat sa 7.5 percent ang headline inflation sa rehiyon ng CALABARZON nitong buwan ng Abril 2026, ayon sa ulat ni Regional Director Charito C. Armonia ng Philippine Statistics Authority (PSA) CALABARZON sa ginanap na press conference nitong Lunes, ika-11 ng Mayo taong kasalukuyan.

Ito ay mas mataas kumpara sa inflation ng rehiyon noong Marso 2026 na nasa 4.2 percent at mas mataas rin kumpara sa 1.7 percent noong Abril 2025. Sa kasalukuyan, ang average inflation mula Enero hanggang Abril 2026 ay nasa antas na 4.1 percent.

Ang pangunahing dahilan ng mas mabilis na pagtaas sa pangkalahatang presyo ng mga kalakal at serbisyo sa rehiyon noong Abril 2026 kumpara noong Marso 2026 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Transport na may 18.9 percent inflation. Ito ay nakapag-ambag ng 35.0 percent share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa rehiyon.

Sinundan ito ng Housing, Water, Electricity, Gas and Other Fuels na may 10.2 percent inflation at Food and Non-Alcoholic Beverages na may 4.7 percent inflation.

Sa mga pangkat ng pagkain sa CALABARZON, Nagpakita ng mas mabilis na pagtaas ng presyo nitong Abril 2026 ang mga sumusunod: Bigas, na may 11.9 percent inflation; Mais, na may 6.8 percent inflation; Bread and Other Bakery Products, Pasta Products, and Other Cereals, na may 4.0 percent inflation; Fish and other seafood, na may 8.8 percent inflation; Fruits and nuts, na may 6.5 percent inflation;  Confectionery and Desserts, na may 1.6 percent inflation; at Ready-Made Food and Other Food Products not elsewhere classified, na may 3.0 percent inflation.

Nagtala naman ng pagtaas ng presyo nitong Abril 2026 mula sa pagbaba noong Marso 2026 ang Vegetables, Tubers, Cooking Bananas at iba pa, na may 5.2 percent inflation.

Sa kabilang banda, nagpakita naman ng mas mabagal na pagtaas ng presyo nitong Abril 2026 ang Milk, other dairy products and eggs, na may 1.6 percent inflation, at Oils and fats, na may 11.9 percent inflation.

Sa mga lalawigan at Highly Urbanized City (HUC) sa CALABARZON, lahat ay nakapagtala ng mas mataas na inflation rates noong buwan ng Abril 2026 kumpara sa inflation rates noong Marso 2026: Laguna (8.4 percent); Rizal (8.2 percent); Quezon (8.1 percent); Cavite (7.4 percent); City of Lucena (6.2 percent); at Batangas (5.2 percent).

Samantala, naitala sa 73 sentimo noong Abril 2026 ang purchasing power of peso (PPP) o halaga ng piso kumpara sa halaga nito noong 2018.

Scroll to Top