3 katao, tiklo sa mahigit P2-M halaga ng ‘bato’
NAGING matagumpay ang ikinasang joint buy-bust operation ng kapulisan na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlo katao na pawang High-Value Individuals (HVI) at pagkakakumpiska sa mahigit ₱2 milyong halaga ng hinihinalang shabu kamakailan sa Dasmariñas City, Cavite.
Ang mga suspek ay kinilala sa mga alyas na Maricar, Lotlot, kapwa residente ng Dasmariñas City; at Mark, residente ng GMA.
Isinagawa ang joint buy-bust operation ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Cavite Police Provincial Office at Dasmariñas Component City Police Station na may koordinasyon sa PDEA dakong alas-3:20 ng hapon nitong Mayo 12 sa Barangay Salitran 2, ng naturang lungsod.
Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong pirasong knot-tied transparent plastic ice bag at isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 300 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Standard Drug Price na ₱2,040,000.00.
Narekober din ang isang pirasong limang daang pisong buy-bust money, isang brown leather bag, isang Android cellphone, at isang pulang Toyota Vios Ativ.
