
Pangako na maaaring mapapako?
MULI na naman narinig mula sa bibig ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang isang pangako.
Sa katatapos na pagdiriwang ng National Heroes Day ay hindi lamang pagkilala sa mga bayani umikot ang mensahe ni PBBM bagkus maging sa anomalya sa flood control projects.
Ilalabas niya umano ang lahat ng katotohanan kasabay ng pagtiyak na mapapanagot ang mga sangkot sa anomalya o katiwalian.
Napakaganda at napakasarap pakinggan na lubhang aabangan ng sambayanan ang pangako na ito ng Pangulo.
Gayunman ay hindi maiaalis ng ilan o nakararami nating kababayan ang posibleng pangako na maaaring mapapako lamang.
Ito ay sa kadahilanan na napupuna ng iba na may mga pagkakataon na magkasalungat ang kilos o galaw sa sinasabi ng Chief Executive.
Marami naman ang umaasa at naniniwala sa nasabing pangako basta dapat ay lalo pang patigasin ng Presidente ang paninindigan.

Absuwelto sa kasong libelo?
LUMIKHA ng matinding ingay ang kamakailan na mensahe ni Pasig City Mayor Vico Sotto na naugnay sa dalawang batikang brodkaster.
Hindi naman marahil lingid sa inyong kaalaman na ito ay ang tungkol sa magkahiwalay na panayam ng dalawang veteran broadcast journalist sa mag-asawang Discaya.
Ang dahilan ng sobrang pag-ingay ay ang tungkol sa katagang ‘P10 milyong piso’ na siyempre ay naging tampulan ng magkakahiwalay na reaksiyon at pananaw.
Bigyang pansin natin ang isa sa mga paniniwala ng ating ilang kababayan na libelous ang mensahe ng alkalde.
Para sa kanila ay maaaring masampahan ng kasong libelo si Mayor Vico.
Sinusulat natin ang pitak na ito ay wala pa namang ulat ng pagsasampa ng kaso sa panig ng dalawang mamamahayag o mula sa kanilang mga kampo.
Kung ang inyong lingkod ang tatanungin, halimbawang ituloy man ang pagsasampa ng kaso ay nakikita kong maabsuwelto si Mayor Vico.
Hindi po ako abogado pero ito ay batay lamang sa aking pag-aanalisa sa naturang mensahe na ipinalabas ng alkalde.
Siguro ay pwede rin sabihin na bunsod na rin ng aking karanasan na ilang ulit sinampahan o nasampahan ng libel case.
Sa mga natanggap ko noon na complaint charges ay kasabay ng pagbabasa at masusing pag-aaral na sa aking pagtatantiya na ang mga ito ay pawang mababasura na hindi naman ako nagkamali ng paniniwala dahil lahat ng libel cases ay naabsuwelto.
Karapatan ng kalaban o kabilang panig na magsampa ng nasabing kaso kaya bilang kinakasuhan ay kailangang sumagot at dumipensa pero iyon nga lamang ay labis na abala at gastos pa.
Inuulit ko na ako ay hindi abogado at nagbigay lamang ng aking sariling kuru-kuro at paniniwala.
