5 SLI, timbog
TIMBOG ang limang Street Level Individuals (SLI) matapos ang matagumpay na anti-illegal drug operation na isinagawa ng pulisya kamakailan sa Bacoor City, Cavite.
Ang limang suspek ay kinilala sa mga alyas na Kentot, Jay, Ismael, Dariel, at John na pawang mga residente ng Bacoor City.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit ng Bacoor Component City Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency dakong alas-2:30 ng madaling araw nitong Hulyo 21 sa Barangay San Nicolas 3, ng naturang lungsod.
Sa pagkakaaresto sa limang suspek ay nasamsam din ang anim na maliit na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 4 gramo at nagkakahalaga ng ₱27,200.00; isang piraso ng ₱500.00 bill na ginamit bilang buy-bust money; at isang itim na maliit na pitaka.
Nabatid na nakuha naman sa pag-iingat ng isa sa limang suspek na si Kentot ang isang kalibre .22 revolver na walang serial number at may lamang tatlong piraso ng live ammunition.
