5 MWP sa Region 4A, nahuli sa Gentri

LIMANG Most Wanted Persons (MWP) sa Region 4A ang nahuli matapos ang matagumpay na manhunt operation ng pulisya kamakailan sa General Trias City, Cavite.

Ang limang akusado na ikinokonsiderang Regional Level MWP ay kinilala sa mga alyas na sina Archie, residente ng Pasong Kawayan II, Belvedere III, General Trias City; John, ng Dasmariñas City; Johnlee, ng Barangay Hugo Perez, Trece Martires City; Dario, ng Brgy. Victoria Reyes, Dasmariñas City; at Kenneth, na residente naman ng Rodriguez, Rizal.

Isinagawa ng mga tauhan ng General Trias Component City Police Station ang operasyon dakong alas-9:00 ng umaga nitong Hunyo 3 sa Balay Silangan, Barangay Navarro, ng naturang lungsod.

Inaresto ang mga akusado sa bisa ng warrant of arrest na may petsang Hunyo 1, 2026 para sa paglabag sa Section 3 in relation to Section 14(B)(4) ng Republic Act No. 11053 o ang Anti-Hazing Act of 2018 na inilabas ng Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 90, Dasmariñas City, Cavite na walang piyansang inirekomenda.

Nabatid na ang limang naaresto ay nasampahan ng kasong Republic Act No. 11053 o ang Anti-Hazing Act of 2018 dahil sa pagkakasangkot sa nangyaring hazing na ikinasawi ng isang 4th year Maritime student ng Philippine Nautical and Technological College in Dasmarinas, Cavite.

Ang hazing incident ay naganap nitong Marso 1 sa isang bakanteng lote sa Sitio Asiongan, Barangay Langkaan 1, Dasmariñas City.

Scroll to Top