4 SLI, timbog sa buy-bust
TIMBOG ang apat na Street Level Individuals (SLI) matapos ang matagumpay na anti-illegal drug buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad kamakailan sa General Trias City, Cavite.
Kinilala sa mga alyas ang mga suspek bilang sina Pungay, 24-anyos; Stephen, 20; Stewart, 20; at Clarence, 19, pawang walang trabaho at residente ng General Trias City.
Pinangunahan ng Drug Enforcement Unit ng General Trias Component City Police Station na may koordinasyon sa PDEA ang operasyon na ikinasa dakong alas-9:30 ng gabi nitong Mayo 12 sa Barangay Pasong Kawayan 2, ng naturang lungsod.
Nakumpiska sa pag-iingat ng mga suspek ang 29 vape device na naglalaman ng hinihinalang liquid marijuana na may tinatayang street value na ₱43,500.00, apat na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang marijuana kush na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 28 gramo at standard drug price na ₱42,000.00.
Kabilang din sa nakumpiska ang, tatlong tig-₱100 bill at isang ₱1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, at isang kahon.
