3 katao, tiklo sa nakawan
TIKLO ang tatlo katao na sangkot sa iligal na pagnanakaw ng mga kagamitang pang-telekomunikasyon matapos ang matagumpay na hot pursuit operation ng kapulisan kamakailan sa Dasmariñas City, Cavite.
Kinilala ang tatlong suspek sa mga alyas bilang sina Kent, 25, driver, at residente ng Antipolo City; Jerson, helper, at residente ng Mandaluyong City; at Francis, 26, helper, at residente ng Mandaluyong City.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Dasmariñas Component City Police Station ang operasyon matapos iulat ang pagnanakaw sa isang cellular tower facility sa Barangay Langkaan I, ng naturang lungsod.
Batay sa paunang imbestigasyon, natuklasan ng isang security guard na nagsasagawa ng regular na inspeksyon dakong alas-3:38 ng madaling-araw nitong Hulyo 1, na puwersahang sinira ang chain lock ng main gate at ng cabin room ng cell site at sa pagsusuri ay natuklasang nawawala ang tatlong rectifier battery na nakakabit sa tore.
Agad na iniulat ang insidente sa punong tanggapan ng kumpanya at ang GPS tracking device na nakakabit sa mga ninakaw na baterya ay nagbigay-daan sa mga tauhan ng kumpanya na subaybayan ang galaw ng mga ito at dakong alas-5:00 ng hapon ay pormal na iniulat ang insidente sa pulisya kaya mabilis na isinagawa ang operasyon.
Sinundan ng mga operatiba ng pulisya ang GPS signal mula Quezon City hanggang Valenzuela City kaya matagumpay nilang naharang ang isang Mitsubishi L300 closed van dakong alas-9:00 ng gabi.
Sa isinagawang inspeksyon na sinaksihan ng nagrereklamo at ng mga saksi ay nabawi ang mga ninakaw na rectifier battery at iba pang ebidensyang nag-uugnay sa krimen gayundin ang pag-aresto sa mga suspek.
Narekober sa operasyon ang tatlong SHOTO lithium rectifier battery, isang bolt cutter, isang pares ng pliers, isang long-nose plier, isang cargo strap, mga susi ng rectifier cabinet, at ang Mitsubishi L300 closed van na ginamit sa paggawa ng krimen.
