2 katao na nangholdap ng taxi driver ‘nakorner’

MATAPOS ang matagumpay na isinagawang hot pursuit operation ng pulisya ay nadakip ang dalawa katao na nangholdap ng taxi driver kamakailan sa Tanza, Cavite.

Nakilala ang dalawang suspek na sina alyas Vin at Juan, kapwa residente ng lalawigan.

Naganap ang panghoholdap dakong alas-5:00 ng umaga nitong Setyembre 29 sa Barangay Daang Amaya 1, Tanza, at naiulat ang insidente sa pulisya dakong alas-7:30 ng umaga ng nasabing araw.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya ay sumakay ang mga suspek sa isang taxi sa Bacoor Public Market at nagpahatid sa Tanza.

Pagdating sa Barangay Daang Amaya 1 ay nagdeklara umano ang dalawang suspek ng holdap at tinakot ang taxi driver sa pamamagitan ng paglabas ng dalawang kutsilyo.

Pagkakuha sa perang kinita ng biktima sa pamamasada ay  tumakas ang mga suspek.

Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Tanza MPS na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawa.

 

 

Scroll to Top